Isang Basic Community Tour Guiding Seminar ang isinagawa ng Cagayan Tourism Office sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit ng Claveria at Municipal Tourism Office nito sa bayan ng Claveria, Cagayan noong Huwebes, ika-19 ng Oktubre 2023.
Bahagi ng pagsasanay ang “Tourism Awareness and Appreciation” bilang isang pangunahing paksa, ngunit nakasentro ang pagsasanay sa basic tour guiding kung saan ipapamalas ng mga local community tour guide ang kanilang husay sa tour guiding.
Ayon kay Jenifer Junio-Baquiran, Officer-In-charge ng Cagayan Tourism Office, ang mga ganitong pagsasanay ay mahalaga para sa mga tourism stakeholder tulad ng community tour guides upang mapahusay pa ang kaalaman ng mga tour guide at mapabuti ang customer satisfaction, mapalago ang sustainable practices sa turismo, at magbigay ng kabuhayan sa komunidad.
Pagkatapos ng lectures ay nagkaroon naman ng mock guiding assessment ang mga kalahok sa mga tourist site ng bayan.
Ang pagsasanay ay bahagi ng paghahanda sa mga tourism stakeholder sa Cagayan, lalo pa at tuloy-tuloy ang mga development sa iba’t ibang LGUs, maging sa lalawigan sa larangan ng turismo.
Source: CPIO