Inilunsad ang programang “Bakuna Eskwela” ng Lokal na Pamahalaan ng Pampanga para sa mga mag-aaral ng San Fernando Elementary School sa Barangay Santo Rosario, City of San Fernando, Pampanga nito lamang Lunes, ika-7 ng Oktubre, 2024.
Ang pamahalaan ng lungsod ng San Fernando, Pampanga sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Vilma Balle-Caluag, ay kabilang sa mga lokalidad na aktibong sumusuporta sa muling paglunsad ng school-based immunization (SBI) program ng pamahalaan. Ang aktibidad ay pinangunahan ng City Rural Health Physician (RHP) at immunization officer na si Dr. Iris Rose Muñoz, katuwang si Dr. Sonny Branzuela at iba pang mga personnel.
Kabilang din sa mga tagapagtaguyod ng aktibidad si Dr. Justine Danniela Arceo, Medical Officer ng City Schools Division ng San Fernando. Kasama sa mga nabakunahan ang mga mag-aaral ng Grade 1 at Grade 7 na tumanggap ng MR (Measles-Rubella) at Td (Tetanus-Diphtheria) vaccines, bilang proteksyon laban sa tigdas, rubella, tetano, at diphtheria.
Bukod dito, ang mga babaeng mag-aaral sa Grade 4 ay binigyan ng HPV vaccine bilang preventive measure laban sa human papillomavirus at cervical cancer.
Ang pamahalaan kasama ang mga katuwang na non-government organizations at sektor ng edukasyon, ay magpapatuloy sa pagdaraos ng “Bakuna Eskwela” hanggang Nobyembre 2024 upang masiguro ang kalusugan ng mga mag-aaral at mapalakas ang kampanya laban sa mga sakit na maaaring maiwasan sa pamamagitan ng bakuna.