Pinasinayaan ng Pamahalaan ng Camiling ang pagbubukas ng bagong Department of Social Welfare and Development (DSWD) Satellite Office para tugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan sa Camiling, Tarlac nito lamang Martes, ika-18 ng Hunyo 2024.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng DSWD Field Office 3-Central Luzon sa pamumuno ni Venus F. Rebuldela, Regional Director, sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Camiling sa pangunguna ni Mayor Erlon C. Agustin.
Ang naturang proyekto ay ang pangalawang Satellite Office na naitayo sa Unang Distrito ng Tarlac. Layunin nitong mapalawig at mailapit ang mga programa at serbisyo ng ahensya sa mga nangangailangang tao.
Prayoridad ng pamahalaan ang paghahatid ng serbisyo sa mga mamamayan upang lahat ay mabigyan ng pantay-pantay na karapatan at matugunan ang kanilang pangangailangan sa lahat ng aspeto.