Sama-samang ipinamalas ng mga residente, lokal na pamahalaan, at iba’t-ibang ahensya ang suporta para sa tamang pagpapasuso sa isinagawang Breastfeeding Summit 2025 noong Setyembre 6, sa temang “SUSOnihan: Pagtutulungan sa tamang pagpapasuso at nutrisyon sa unang sanlibong araw ng buhay.”
Pinangunahan ng Municipal Nutrition Action Office (MNAO) ang naturang aktibidad na layuning palakasin ang kaalaman at suporta ng komunidad para sa mga ina at sanggol, lalo na sa kritikal na yugto ng kanilang unang 1,000 araw ng buhay.
Sa kanyang keynote address, binigyang-diin ni Ma. Gretchen Quiñones, Nutritionist-Dietitian III ng DSWD Field Office I, ang kahalagahan ng gatas ng ina bilang pinakamagandang regalong maibibigay sa isang sanggol. Aniya, “Breastmilk is the greatest gift we can give to our children—and breastfeeding is the most beautiful part of motherhood.”
Nagbahagi rin ng kani-kanilang karanasan sina Mayor Divine Fontanilla at Vice Mayor Francis Fontanilla. Inilahad ni Mayor Divine ang kanyang pagsisikap bilang isang working mom, kabilang ang pagrenta ng unit malapit sa trabaho upang masigurong maipagpatuloy ang pagpapasuso.

Ayon naman kay Vice Mayor Francis, “Breastfeeding offers a lot of benefits, hindi lang sa health ng nanay at bata kundi nakakatipid pa ang pamilya.”
Bukod sa mga talakayan, naging tampok din sa programa ang mga aktibidad na nagbigay sigla sa mga kalahok, tulad ng:
• Go Baby Go (Baby Race)
• DEDEsign (Poster-Making Challenge)
• Beybirit (Singing Contest)
• DEDEdivaaa (Mother-Baby Fashion Show)
• SusoStory (Best Breastfeeding Story)
Ang temang “SUSOnihan” ay hango sa salitang “suso” (breastfeeding) at “bayanihan,” na nagsisilbing paalala na ang tamang pagpapasuso ay hindi lamang responsibilidad ng ina, kundi kolektibong tungkulin ng buong komunidad.
Sa kabuuan, naging matagumpay ang summit sa pagpapalaganap ng kamalayan at pagbubuklod ng Bacnotan para sa isang malusog na kinabukasan ng bawat batang Bacnotanean.
Source: Bacnotan, La Union




