21.6 C
Baguio City
Monday, January 20, 2025
spot_img

Army, inambush ng mga komunistang terorista habang nagsasagawa ng relief operation sa Albay

Sa kabila ng pagpupursigi ng pamahalaan na makapag abot ng agarang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Kristine, patraydor namang inambush ng mga komunistang terorista ang mga kawani ng Philippine Army habang nagsasagawa ang mga ito ng relief operation sa bayan ng Pioduran, Albay.

Sinabi ni PLtCol Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office V, habang naghahatid ng tulong sa mga nasalanta ng nagdaang bagyo, ang mga nasabing sundalo na kasapi ng Philippine Army 9th Infantry Spear Division (9ID) ay tinambangan ng mga rebelde sa Barangay Matanglad, Pioduran sa Albay.

Ayon sa ulat, ang bakbakan sa pagitan ng dalawang grupo ay naganap bandang 6:15 ng umaga kahapon, Oktubre 27, 2024.

Tumagal ang nasabing sagupan ng humigit-kumulang labinlimang minuto na naging sanhi ng pagkasugat ng isa sa mga sundalo at pagkakakumpiska ng mga improvised explosive device (IED), mga bandolier, cellphone, hammock, at apat na backpacks mula sa mga terorista.

Kinondena naman ng kapulisan ang tahasang pagtataksil ng mga teroristang komunista sa mga mamamayang Pilipino.

“Ang pangyayaring ito ay nagpapakita lamang ng tahasang paglabag ng mga makakaliwang grupo laban sa isinasagawang humanitarian assistance na nagpapakita ng kanilang patraydor na pamamaraan ng pakikipaglaban,” sambit ni Calubaquib.

“Naghahatid ng tulong ang mga sundalo nang tambangan sila ng humigit-kumulang labing isang miyembro ng komunistang teroristang grupo na pinaniniwalaang kabilang sa KLG1, SRC5, at BRPC.”

Matapos ang nangyaring pananambang, agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga kapulisan at sundalo at kasalukuyang binabantayan ang mga pagamutan na posibleng pagdadalhan ng mga nasugatang criminal.

Sa kabila ng pananambang, nagpapatuloy ang humanitarian assistance operation na isinasagawa ng kapulisan at kasundaluhan sa mga nabahang bahagi ng Albay at Camarines Sur na nagsimula pa noong Oktubre 22.

Siniguro naman ni Col Jose Romulo Dilag, commanding officer ng Tactical Operations Group 5 na maghahatid ng mga relief goods ang mga Air Force helicopters sa Libon at Camarines Sur sa lalong madaling panahon.

“Ang aming punong himpilan sa Department of National Defense, Armed Forces of the Philippines at Philippine Air Force ay nagbaba ng direktibang i-prioritize sa paggamit ng mga air assets ang paghahatid ng mga relief goods sa mga nasalanta,” wika ni Dilag.

Sa kasalukuyan, nakapaghatid na ng tulong ang pamahalaan sa 548,306 na pamilya o 2,492,223 indibidwal na nasalanta ng pagbaha dala ng bagyong Kristine; ito ay sa kabila ng panganib na dala ng mga teroristang mas piniling tambangan ang mga kawani ng gobyerno sa halip na makiisa sa pagtulong sa mga nasalanta.

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
0FollowersFollow
612FollowersFollow
55SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles