Nanawagan ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga teroristang grupo sa ginanap na Press Conference nito lamang Lunes, ika-13 ng Hunyo 2022.
Ipinahayag ni DAR Secretary Bernie Cruz na itigil na ang paggamit sa mga magsasaka para sa pagpapatupad ng kanilang maling ideolohiya at propaganda laban sa gobyerno.
Mariin din ipinahayag na hindi nakakatulong sa mga magsasaka bagkus naaapektuhan lang nila ang pagpapamahagi ng mga lupa na kasalukuyang pinoproseso ng ahensya.
Matatandaan na noong Huwebes ika-9 ng Hunyo, 93 katao ang naaresto ng mga alagad ng batas sa Hacienda Tinang, Concepcion, Tarlac dahil sa nangyaring kaguluhan kung saan sinabi sa ulat ng pulisya na giniba ang plantasyon ng tubuhan na pag-aari ng Agriculture Cooperative.
Naging agresibo at bastos ang kabilang grupo noong sinubukang respondehan ng mga kapulisan ang kaguluhan sa hasyenda.
Ang mga naaresto ay kinasuhan ng malicious mischief, resistance and serious disobedience, at obstruction of justice.
Kinilala ni Sec. Cruz na ang nasa likod ng nangyaring kaguluhan ay ang grupo ng Ugnayan ng Magsasaka sa Agrikultura na bahagi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at mga grupo ng kabataan.
Hinikayat ni Sec. Cruz ang kabilang grupo na makipagtulungan sa gobyerno upang mas maging sapat ang mga produkto ng mga magsasaka ng bansa.
Umapela din si Cruz kay VP Leni Robredo at sa ibang mga politiko na mag-imbestiga muna bago maglabas ng pahayag sa media.
Ito ay dahil sa komento ni VP Robredo kung saan sinabi niya na ang rally na naganap sa Hacienda Tinang ay maayos hanggang sa dumating ang pulis at pinag-aaresto ang mga militanteng grupo.
Ani Cruz, hindi mapayapa ang sirain ang apat na ektaryang pananim at hindi mapayapa na manghimasok ang iba’t-ibang grupo ng estudyante na wala naman kinalaman sa mga isyu ng magsasaka.
Sa kanyang pangwakas na pahayag, hinikayat niya mga teroristang grupo na makipatulungan at makiisa sa gobyerno, dahil ang 50 taon ng insurhensya ay hindi kailanman nakatulong sa bansa.