Gusto mo bang magkaroon ng eksklusibong karanasan ng Semana Santa?
Mayroong isang lugar sa Lambak ng Cagayan na maaari mong bisitahin tuwing Semana Santa – ang Calvary Hills ng Iguig, Cagayan. Ito ay matatagpuan sa loob ng bakuran ng Simbahan ng San Antonio de Galicia na itinayo noong panahon ng Espanyol.
Ang Calvary Hills ang “most photographed” atraksyon sa Cagayan na may 11 ektaryang lupain na kung saan makikita ang anim na metrong matataas na estatwa na makukulay at parang buhay na naglalarawan sa 14 na Istasyon ng Krus.
Ang lugar na ito ay isang magandang destinasyon para sa Kristyanong Katoliko tuwing panahon ng Semana Santa sa paggunita sa sakit at pagdurusa ni Kristo na namatay para sa kasalanan ng bawat isa.
Ang Simbahan ng San Antonio de Galicia ay itinayo noong 1765-1787 mula sa ladrilyo at bato sa ilalim ng kura paroko na si Pedro de San Pedro na isa sa ilang natitirang mga simbahang Katoliko sa bansa.
Ang simbahan ay inayos noong 1980s sa ilalim ng Parish Priest na si Camilo Castillejos. May hagdan ito sa likod na matatanaw ang Cagayan River.
Ang lugar ay talagang maganda para sa pagmumuni-muni at sadyang nakakarelaks habang naglalakad sa mga burol.