Nakatanggap ng tig-Php50,000 ang kabuuang 23 kooperatiba sa Cordillera bilang tulong pinansyal sa ilalim ng Special Assistance to Micro and Small Cooperatives ng Cooperative Development Authority (CDA) sa pamamagitan ng inisyatibo ng “Malasakit sa Kooperatiba”.
Si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, kasama sina Philip Salvador, CDA Chairperson Joseph Encabo, CDA-CAR representative Felicidad Cenon, La Trinidad Mayor Romeo Salda, at Benguet State University President Felipe Comila ay nagbigay ng tseke sa sampu sa mga benepisyaryo ng kooperatiba sa isang programang ginanap sa BSU Gym sa La Trinidad, Benguet, noong Biyernes, Mayo 17, 2024.
Sa nasabing event, namahagi din ng basketball, t-shirt, at wristwatches si Sen. Go. Bukod pa rito, nagsagawa siya ng mga raffle at namahagi ng mga shades para sa mga miyembro ng coop na may kapansanan sa paningin. Nagkaroon din siya ng maikling pakikipag-usap sa mga opisyal ng barangay ng La Trinidad.
Si Manuel Dollaga, presidente ng isa sa mga benepisyaryo na kooperatiba, ay nagpahayag ng pasasalamat sa tulong, at sinabing ito ay malaking tulong para sa pagpapaunlad ng kanilang negosyo.
Ang tulong na ito ay naglalayong magbigay ng suportang pinansyal sa mga micro at small cooperatives. Pinayuhan ng senador ang mga benepisyaryo na gamitin ang tulong para mapaunlad ang kanilang mga negosyo at tiniyak ang kanyang patuloy na suporta sa mga kooperatiba.