Nagkasundo sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at United States President Joe Biden noong Biyernes (Manila time), Abril 12, 2024, na lalong palakasin ang economic at security partnerships ng Manila at Washington DC.
Ang pangako ay ginawa sa bilateral meeting ng dalawang lider sa White House bago ang pagdaraos ng kanilang makasaysayang trilateral summit kasama si Japanese Prime Minister Fumio Kishida.
“Ang pakikipag-usap ngayon kay Pangulong Biden ay nagtatampok ng lakas ng pakikipagtulungan ng Pilipinas at Estados Unidos, pagpapalakas ng ugnayang pang-ekonomiya at pagpapalakas ng seguridad sa rehiyon,” ani Pangulong Marcos sa isang Facebook post.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) sa isa pang Facebook post, sa bilateral meeting, binigyang diin din nina Marcos at Biden ang kanilang joint commitment sa pagsusulong ng mutual interest at regional stability, gayundin ang pagpapalakas ng kanilang economic ties sa vital sectors.
Sa hiwalay na pahayag na nai-post sa opisyal na Facebook page nito, sinabi ng Radyo Telebisyon Malacanang (RTVM) na tinalakay din ni Marcos kay Biden ang progreso sa bilateral ties ng dalawang bansa.
Binanggit din ni Marcos ang matibay na pangako ng magkabilang panig na iangat ang kanilang alyansa sa seguridad sa pamamagitan ng malaki at patuloy na pamumuhunan sa defense at coast guard modernization.
Tiniyak ni Biden kay Marcos na ang bilateral na ugnayan sa Pilipinas ay “isang ganap na prayoridad ng Estados Unidos.”
“Muling inuulit ng dalawang lider ang kanilang pangako sa pagtataguyod ng kapayapaan at katatagan sa rehiyong Indo Pasipiko at pagtataguyod ng internasyonal na batas, pagpapalakas ng kooperasyong pandagat, pagpapalakas ng seguridad sa enerhiya, pamumuhunan sa kritikal na imprastraktura, pagpapalawak ng kooperasyong pang-ekonomiya sa mga semiconductor, malinis na enerhiya, kalakalan at pamumuhunan, at pagpapalalim ng mga ugnayan ng tao,” ang pahayag ng RTVM.
Source: PNA
Photo Courtesy: PCO