Ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga benepisyo ng Proyektong Bataan-Cavite Interlink Bridge sa ekonomiya, nito lamang Miyerkules, ika-10 ng Abril 2024.
Ang Bataan-Cavite Interlink Bridge ay isang 32-kilometrong tulay na magsisilbing pangalawang pinakamahabang tulay sa buong mundo sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) katuwang ang Asian Development Bank (ADB) at iba pang mga stakeholder.
Ayon kay PBBM, ilan sa mga benepisyo ng naturang proyekto ay ang pagpapagaan sa trapiko, pagbubukas ng mga dating hindi accessible na lugar sa mga nasabing probinsya, murang pamasahe para sa mga pasahero at ang pagpapabilis ng paghahatid ng mga produkto.
Dagdag pa sa ulat, ang naturang proyekto ay nagsimula na sa pre-engineering at pre-planning upang tuloy-tuloy na ang pagpapatayo.
Bukod sa Bataan-Cavite Interlink Bridge, kasalukuyan ding pinag-aaralan ng administrasyon ang proyektong Panay-Guimaras-Negros bridge na isa ring mahabang tulay na maaaring magbukas sa mga rehiyon ng negosyo at iba pang mga oportunidad.
Samantala, sinabi naman ni Secretary Manuel Bonoan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na inaanyayahan na ng gobyerno at ng kanilang stakeholders ang mga pandaigdigang contractor na may karanasan sa pagtatayo ng malalaking imprastraktura sa Luzon.
Layunin ng proyektong ito na mapalakas ang imprastruktura ng bansa at magdulot ng mga pangmatagalang benepisyo sa ekonomiya at komunidad sa pamamagitan ng pagpapagaan sa trapiko at pagbubukas ng mga dating hindi accessible na lugar sa mga probinsya.