Nagsilbing evaluator ang Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Task Force Lingkod Cagayan- Quick Response Team (TFLC-QRT) sa isinagawang Earthquake drill ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) noong ika-25 ng Marso 2024.
Ayon kay Zenart Villamar ng PDRRMO na isa sa mga evaluator, halos 200 na mga kawani ng CPPO ang lumahok at inobserbahan sa ginawang drill. Sinuri ng kanilang grupo kung ano ang mga gagawing aksyon at pagresponde ng kapulisan kung sakaling makaranas ng lindol ang probinsya.
Kasama sa mga binigyang grado ang pagkakaroon ng Search and Rescue Team, Emergency Medical Service, at ang pagresponde ng kapulisan sa isang scenario kung saan dalawang indibidwal ang na-trap at nirescue dahil sa lindol. Nakakuha ang CPPO ng kabuuang 98.2 bilang marka sa naturang aktibidad.
Layunin ng earthquake drill ang magbigay ng kasanayan sa mga tao kung paano sila dapat kumilos at mag-ensayo ng tamang mga hakbang sa oras ng lindol. Ito ay naglalayong mapababa ang pinsala at mga aksidente sa oras ng tunay na kalamidad.
Source: Cagayan Provincial Information Office