Naghandog ng sako-sakong bigas ang Ambassador ng Taiwanese Government kasama ang Lokal na Pamahalaan ng Isabela sa mga mangingisda, miyembro ng Tricycle operators and Drivers Association (TODA) at person with disabilities (PWDs) sa Queen Isabela Park, City of Ilagan, nito lamang Pebrero 20, 2024.
Pinangunahan ni Gobernador Rodito T. Albano III at Ambassador Wallace Minn-Gan Chow, Head ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO), ang pamamahagi ng 2,386 na mga sako ng bigas sa mga miyembro ng TODA, 545 na mangingisda at 500 na persons with disabilities (PWDs).
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Gobernador Albano kay Ambassador Chow sa pagbibigay ng 402,000 kilo ng bigas sa lalawigan at may karagdagan pa sa buwan ng Hunyo at Hulyo.
Ayon kay Ambassador Chow, alam ng gobyerno ng Taiwan ang mga kalamidad na kinaharap ng lalawigan at ito ang nag-udyok sa kanila na mag-donate ng 1,000 toneladang bigas sa Pilipinas, 400 tonelada nito ay ibinigay sa Isabela.
Ang pagbisita sa lalawigan ng mga delegasyon mula sa TECO, ay upang tuklasin ang pakikipagtulungan sa agrikultura, kalakalan, pamumuhunan, at turismo.
Ang mga ganitong ugnayan ng Pilipinas at mga karatig bansa sa pamamagitan ng mga kasunduan ay naipapaabot ang tulong sa ating mamamayan na nagpapatibay ng samahan ng bawat isa.
Source: Isabela PIO
Panulat ni Wendy