Umarangkada sa Madaymen, Kibungan, Benguet, ang Kadiwa on Wheels na proyekto ng Department of Agriculture-Cordillera (DA-CAR) noong Pebrero 16, 2022.
Ang nasabing proyekto ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga sasakyan na nag-iikot sa ibat ibang lugar ng Cordillera kung saan ang mga miyembro ng Farmer’s Cooperative and Association (FCAs) ay direktang nakakapagbenta ng kanilang mga iba’t ibang produkto sa mga mamimili sa murang halaga.
Ilan sa kanilang mga produktong ibinebenta ang agri-fishery products, bigas, saging, sibuyas, pulot-pukyutan, itlog na maalat, muscovado, vegetable chips, dried fish at mga process product.
Layunin ng proyektong ito na maihatid at mailapit sa mga mamimili sa rehiyon Cordillera ang mga naturang produkto sa pamamagitan ng mobile marketing. Ang aktibidad na ito ay pinangasiwaan ng DA-CAR Agribusiness and Marketing Assitance Division (AMAD) kasama ang local government unit ng Kibungan, Benguet.
Dinaluhan din ito ni DA-CAR Regional Executive Director, Cameron Odsey at mga lokal na opisyal ng Kibungan kasama sina Vice Mayor Edwin Nitron, Councilor Roger Tugade, Brgy. Kagawad John Olayo at Calixto Francisco.
Source: Department of Agriculture – Cordillera