Natanggap na ng 78 registered farmers mula sa Mangaldan, Pangasinan ang kanilang indemnity checks galing sa Php474,797 kabuuang halaga ng crop insurance na ipinamahagi ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) sa pakikipag-ugnayan ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan nito lamang ika-6 ng Disyembre 2023.
Natukoy ang mga nabanggit na rehistradong magsasaka bilang benepisyaro ng programa dahil sa lubos na natamong danyos ng kanilang mga pananim sa mga nagdaang bagyo at pamemeste.
Pinangunahan ang nasabing pamamahagi ni Sharon Castor, District IV Field Personnel ng PCIC Region 1 at ng Municipal Agriculture Office (MAO) sa pamumuno ni Merle Sali, Municipal Agriculturist, na naghihimok sa lahat ng mga magsasaka na i-apply sa PCIC ang kanilang mga pananim, alagang hayop, maging ang kanilang mga sarili upang maprotektahan sa pagkakaroon ng insurance.
Laking pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga benepisyaryong magsasaka sa natanggap nilang tulong na gagamitin nilang karagdagang puhunan para sa patuloy na paghahanap-buhay sa bukid.
Kinilala ni Mayor Bona Fe De Vera Parayno ang malaking tulong na naiaabot ng PCIC sa mga magsasaka dahilan upang hikayatin pa ang iba na hindi pa rehistrado mula sa bayan.
Source: Public Information Mangaldan page