Nagsimula na ang mga search and rescue team nitong araw ng Biyernes, ika-01 ng Disyembre 2023 sa paghahanap sa nawawalang eroplano sa probinsya ng Isabela.
Ayon kay Glenn Cabaldo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO)-Palanan, 44 na rescuers ang lumarga kaninang umaga na kinabibilangan ng mga kapulisan, Bureau of Fire Protection (BFP), kasundaluhan, Barangay DRRM officers, at volunteers na dumagat.
Aniya, papunta ang grupo sa Brgy. Didyan sa naturang bayan kung saan kinakailangang dumaan ng bundok at mga ilog ang grupo bago marating ang lokasyon na ibinigay ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na huling nakahunan ng radar ang eroplano bago nawalan ng komunikasyon.
Sinabi ni Cabaldo na posibleng bukas pa mararating ang naturang lugar depende sa lagay ng panahon.
Bitbit na rin umano ng grupo ang mga kinakailangang gamit sa kanilang paglalakbay sa bahagi ng kabundukan ng Sierra Madre.
Nabatid kay Cabaldo na hindi na nakontak ang cellphone ng piloto at ang babaeng pasahero na makatutulong sana sa kanilang mas mabilis na paghahanap.
Sa ngayon, umaasa si Cabaldo na mahahanap ng mas mabilis ang naturang eroplano at mga sakay nito.
Matatandaan, pasado alas nuebe ng umaga kahapon nang magtake-off ang eroplano na may tail number na RP-C1234 sa Cauayan Airport na papuntang Palanan ngunit hindi ito nakarating sa takdang oras at nawalan na ng komunikasyon.
Source: CPIO