Pormal nang binuksan ni Mayor Niña Jose-Quiambao ang Japan-inspired Paskuhan sa Bayambang 2023 noong ika-17 ng Nobyembre, at ito ay dinagsa ng madla lalo na ng mga kabataan.
Ito ay sinimulan sa isang thanksgiving mass sa Balon Bayambang Events Center sa pangunguna ni St. Vincent Ferrer Parish Church parish priest, Fr. Reydentor Mejia.
Ang araw na ito ay araw rin ng pang-75 taong kapanganakan ni former Mayor, Bayambang First Gentleman, at SATOM, Dr. Cezar T. Quiambao at pangpitong anibersaryo ng kanilang kasal ni Mayor Niña, kaya naman nagdatingan din ang kanilang mga kaanak at malalapit na kaibigan.
Sinundan naman agad ito ng isang maikling programa kung saan panauhing pandangal sina Congresswoman Rachel Arenas, Governor Ramon ‘Mon-Mon’ V. Guico III at asawang si Ma-an Tuazon-Guico, Vice Governor Ronald Mark Lambino, at BM Vici Ventanilla.
Hindi magkakaroon ng ganitong kasayang Paskuhan kung hindi dahil kay former Mayor Cezar at Mayor Niña na siyang nakaisip ng konsepto at nagpondo rito. Ang tema ay ibinase sa mga naging sikat na anime character mula sa Studio Ghibli sa Japan.
Iniaalay ng pamilya Jose-Quiambao ang Paskuhang ito sa kanilang pumanaw na sanggol na si Marian Hannah Claire J. Quiambao.
Mensahe ni Mayor Niña sa mga Bayambangueño at sa lahat ng dumayo para saksihan ang kaganapan, “Malungkot man ako ngayon, I believe that if you hit rock bottom, there is no way to go but up. And tonight, I’d rather choose joy by giving joy to others, to all of you.”
Pagkatapos ng programa ay sinimulan na ang isang grand lighting at pagbubukas ng Paskuhan kung saan nabalot ang bayan ng kasiyahan lalo na’t mayroon pang isang grand fireworks display.
Pormal na ring binuksan ang Paskuhan Night Market/Bazaar sa harap ng Bayambang Commercial Strip kung saan iba’t ibang pagkain at iba pang produkto ang mabibili.
Kitang-kita sa bawat ngiti at hiyawan ng publiko ang tuwa at galak dulot ng kakaibang Paskuhan ngayong taon sa bayan ng Bayambang.
Source: Balon Bayambang
Panulat ni Sharlene Joy G. Gonzales/RSO