Ibinida ng Baguio City PNP ang kanilang mga Search and Rescue Equipment sa ginanap na Disaster Risk Reduction and Management Roadshow sa Malcom Square, Baguio City nito lamang Setyembre 29–30, 2023.
Pinangunahan ng Baguio City Disaster Risk Reduction and Management Office kasama ang Baguio City PNP, BFP CAR, ang DRRM Roadshow na may temang “BIDAng Pilipino: Building a Stronger Filipino Well-being towards Disaster Resilience.
Itinampok sa programa ang iba’t ibang aktibidad gaya ng poster making, practical exercises at workshop na nilahukan ng mga kabataan at mga dumalong personalidad mula sa pampubliko at pribadong ahensya.
Binigyang pagkakataon din ng mga naturang grupo ang mga kabataan na mahawakan at siyasatin ang mga kagamitan upang magkaroon ng sapat na kaalaman kung ano ang mga bagay na dapat malaman at paghandaan sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Bukod pa rito ay nagbigay din ng kaalaman ang mga naturang grupo patungkol sa pag-iwas sa krimen, terorismo, at pag-iwas sa ilegal na droga.
Ang aktibidad ay naglalayong turuan ang mga kabataan at mga residente sa disaster management at pataasin ang kanilang tiwala sa sarili at survival skills sa panahon ng mga sakuna at kalamidad.