16.2 C
Baguio City
Tuesday, November 26, 2024
spot_img

Inosenteng sibilyan na nilikida ng CPP-NPA, nabawi ng Pamahalaan

Pinaratangan ng gawa-gawang kaso, pinatay, inihukay, iniwan at basta na lamang pinabayaan. Ito ang kalunos-lunos na sinapit ng isang inosenteng sibilyan sa kamay ng marahas na CPP-NPA.

Si Mark Angelo, isang tipikal na kabataan, ay puno ng pangarap, ngunit ang pangarap na makatulong sa pamilya at maiahon sila sa kahirapan ay naglahong parang isang bula. Kasama ng kanyang buhay na ninakaw ng teroristang CPP-NPA.

Naihukay man ng teroristang grupo ang kanyang mga labi, ngunit ang katotohanan ay kailanman ay hindi maibabaon. Dahil sa tulong ng mga concerned citizen na kinumpirma naman ng mga nagbalik-loob sa kanilang mga testimonya ay natunton ang pinaghukayan sa walang kalaban-laban na si Mark Angelo sa Sitio Altas, Barangay Dungeg, Sta Teresita, Cagayan, nitong ika-15 ng Setyembre 2023.

Dahil sa nakalap na impormasyon, walang inaksayang sandali at nagtulong-tulong ang pinagsanib na puwersa ng pamahalaan na binubuo ng mga unit ng 95th Infantry Battalion, ng 502nd Infantry Brigade, 2nd Provincial Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 2 ng PNP Sta Teresita, SOCO at Marine Battalion Landing Team 10 ng Philippine Marines para hukayin at irekober ang mga labi ni Mark Angelo sa nasabing lugar.

Ang kaso ni Mark Angelo ang pinakabago sa mahaba at hindi na mabilang na listahan ng paglabag sa karapatang pantao ng CPP-NPA. Taliwas ito sa ipinapangalandakan ng kanilang galamay na organisasyon na tagapagtanggol sila ng mamamayan.

Hindi na makapagsalita ang kanilang mga biktima, ngunit naghuhumiyaw ang katotohanang nahubad ng kanilang maskara na itinatago ng prinsipiyong komunismo. Lantad na sa taong bayan ang kanilang kasamaan.

Kasabay sa pagkalantad ng kanilang panlilinlang ay ang pagtalikod sa kanila ng mamamayan. Lantaran at isinusuka na sila sa mga iba’t ibang lugar na dati nilang balwarte.

Nagising na ang mamamayan at sila na mismo ang nagsasabing hindi na nila hahayaan ang CPP-NPA ang papatay sa kanila sa sarili nilang lupa. Nakatakdang ipasakamay ang mga labi ni Mark Angelo sa kanyang pamilya na humihingi at nananawagan ng hustisya.

Para sa kasundaluhan ng 5ID, sinisiguro nila na hindi nila titigilan sa paghabol sa mga natitirang kasapi ng komunistang teroristang grupo. Kasabay ang patuloy na panawagang sumuko na ang mga ito at tamasahin ang biyaya at programa ng gobyerno na nakapaloob sa E-CLIP ay ang pangakong sa anumang pamamaraan ay hahabulin ang mga ito para sa hustisya at katarungan ng kanilang mga biktima.

Source: Philippine Army FB page

Related Articles

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
0FollowersFollow
612FollowersFollow
54SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles