Pangasinan – Labis ang pasasalamat ng 178 na mga mag-aaral mula sa pre-school at grade 1 ng Gueguesangen Integrated School sa kanilang natanggap na back-to-school kits mula sa tanggapan ni Sen. Imee R. Marcos sa Mangaldan, Pangasinan nito lamang Lunes, ika-11 ng Setyembre 2023.
Katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan sa pamamahagi ng mga gamit sa eskwela sa pamamagitan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa pangunguna ni Rowena de Guzman.
Personal na nagpasalamat si Mayor Bona Fe De Vera Parayno sa inisyatibong ito ni Sen. Imee, bilang tulong na rin sa mga pamilyang hirap makabili ng mga gamit pang-eskwela para sa kanilang mga anak.
Buong puwersa rin ang suporta ng GIS sa pagsalubong sa mga kinatawan ni Sen. Imee at ng LGU sa pangunguna ni Gueguesangen Integrated School Principal Jimmy U. Lalangan at lahat ng guro ng preschool at grade 1 sections.
Laking pasasalamat ng mga magulang at estudyante sa maagang pamaskong handog ng tanggapan ni Sen. Imee Marcos sa kanilang school bag na may laman na notebook, papel, lapis, krayola, ruler, sharpener, gunting at ballpen.