Nakipag-ugnayan ang Department of Agriculture Regional Field Office 02 (DA RFO2) sa mga DA Assisted Rice Processors sa rehiyon para tumulong sa pag-supply ng murang bigas sa mga retailers lalo na sa mga lugar na hindi pa nakakapag-comply sa Executive Order (EO) 39 o ang Price Ceiling sa bigas nitong Setyembre 11, 2023.
Ayon kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino ng DA RFO2, nasa walong rice processors na ang kanilang nakausap mula sa mga lalawigan ng Isabela, Quirino, at Cagayan na siyang magiging partner ng mga ito para magdeliver ng mas mababang presyo ng bigas sa mga retailer at nang makasunod ang mga ito sa itinakdang price cap sa bigas.
Batay kasi sa pag-iikot ng Bantay Presyo team sa apat na probinsya sa lambak ng Cagayan, lumalabas na nasa 30-40% lamang sa mga nabisitang retailer ang nakakasunod sa itinakdang presyo para sa regular-milled at well-milled rice sa kadahilanang ang kasalukuyang stocks ng mga ito ng bigas ay nabili nila sa mataas na presyo.
Umaasa ang Director na sa pamamagitan ng kanilang interbensyon, gayundin sa pangakong financial assistance ng pamahalaan, makakasunod na sa EO 39 ang lahat ng rice retailer sa rehiyon.
Source: Department of Agriculture Region 2