Matagumpay ang isinagawang operasyon ng pinagsamang mga tropa ng kapulisan matapos nilang suyurin at siyasatin ang isang itinurong imbakan ng armas ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa bayan ng Baggao, Cagayan.
Ayon sa Police Regional Office 02 (PRO2), ang operasyon na naganap noong umaga ng Setyembre 05, 2023 ay nagresulta sa pagrekober ng tropa ng pamahalaan ng walong piraso ng gamit pampasabog.
Naging katuwang ng PRO2 sa isinagawang operasyon ang isang dating miyembro ng CPP-NPA na si Alyas Tony na siyang nagturo sa tropa ng gobyerno upang matunton ang mga nasabing pampasabog.
Pinuri naman ni PBGen Christopher Birung, Acting Regional Director ng PRO2, ang matagumpay na operasyon ng kapulisan.
Ayon sa Heneral, ang naisagawang operasyon ay patunay aniya na epektibo at suportado nang taong-bayan ang mga aktibidad ng pamahalaan sa kanayunan laban sa insurhensiya.
Naniniwala si PBGen Birung na sa pamamagitan ng pagtutulungan ay hindi malayong mawakasan na ang presensya ng CPP-NPA sa rehiyon at maging sa buong bansa.
Source: CPIO