Agarang naghatid ng karagdagang Family Food Packs (FFPs) at Non-Food Items (NFIs) ang Department of Social Welfare and Development Field Office 02 (DSWD FO2) sa iba’t ibang Local Government Units (LGUs) na naapektuhan dulot ng pananalasa ng Bagyong Egay sa rehiyon.
Ayon kay DSWD FO2 Regional Director Lucia Suyu-Alan, mayroon nang prepositioned goods na naipamahagi sa 93 LGUs sa rehiyon at nakahanda ang ahensya na magbaba ng karagdagang FFPs at NFIs sakaling sila ay nangangailangan pa nito.
Kaugnay nito, limang LGUs mula sa Cagayan ang nabigyan ng karagdagang FFPs at NFIs. Ito ay ang LGU Claveria (400), Sta. Praxedes (500), Sanchez Mira (300), Alcala (300), at Lal-lo (500).
Naipamahagi na rin ang 600 FFPs at 1,000 na bottled water sa munisipyo ng Aparri habang ang karagdagang 500 FFPs at 1,000 bottled water ay agad ding ipinadala sa mga bayan ng Sta. Ana at Gonzaga, Cagayan.
Samantala, nauna nang iniutos ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pagpapadala ng karagdagang 17,000 FFPs kung saan nakatakda itong ilagak sa apat na warehouse sa rehiyon.
Ito ay kinabibilangan ng Santiago, Isabela (4,500 FFPs); Tuguegarao City, Cagayan (8,000 FFPs); Cabarroguis, Quirino (500 FFPs); at Abulug, Cagayan (3,000 FFPs).
Sa ngayon, patuloy pa rin ang monitoring at koordinasyon ng ahensya sa iba’t ibang LGUs upang malaman ang sitwasyon sa kanilang nasasakupan para sa agarang tulong na maibibigay sa mga biktima ng bagyo.