Nakatutok ngayon ang rescue operations ng Task Force Lingkod Cagayan (TFLC) sa mga apektado ng pagbabaha sa bayan ng Abulug, Pamplona, at Ballesteros, Cagayan.
Ayon kay Arnold Azucena, Focal Person ng TFLC, patuloy pa rin ang pagsaklolo ng TFLC sa mga residenteng inililikas patungong evacuation centers kabilang ang mga residenteng pansamantalang nanirahan sa kanilang bubong upang mailigtas ang mga sarili.
Aniya, ang mga istasyon ng TFLC Ballesteros, TFLC Lal-lo at TFLC Sanchez Mira, katuwang ang PNP, BFP at Local Government Units ang nagtutulungan para mailipat sa ligtas na lugar ang mga apektadong residente ng tatlong bayan dahil sa patuloy na tumataas na tubig mula sa tributaryo ng Abulug river.
Patuloy rin umano ang koordinasyon ng TFLC sa mga opisyal ng barangay upang agarang mabigyan ng aksyon ang sinumang nangangailangan ng tulong sa nararanasang pagbaha.
Iniulat din ni Azucena na walang malubhang nasugatan o namatay sa pagdaan ng bagyong Egay sa mga bayan sa Cagayan ngunit malaki ang iniwang pinsala sa mga pananim ng mga magsasaka.
Ang malawakang pagbaha sa tatlong nabanggit na bayan ay nagmula sa pagbubukas ng dalawang spillway gate ng NIA-Apayao matapos umapaw ang ilog doon.
Samantala, nananatiling sarado ang kalsada sa bahagi ng Libertad, Abulug national highway matapos umabot sa mahigit isang metro ang tubig sa nasabing lugar.
Source: Cagayan PIO