Nagkaloob ang Department of Science and Technology (DOST) ng humigit kumulang Php2.1 milyon sa anim na Micro, Small and Medium enterprises (MSMEs) na negosyante sa lalawigan ng La Union.
Ayon kay Christian Dominic Casimiro, DOST Ilocos Region project technical aide, ang Php2.1M ay ibinigay sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng Small Enterprises Technology Upgrading Program (SETUP) program.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga may-ari ng Ida Wood Crafts Manufacturing, B Amigos’ Wood Crafts Manufacturing, 4J Padilla-Gale Ricemill, Dr. Ronald Alwit Farm, Calica’s Fruit Products, at Ayaoan Lumpia Wrapper Manufacturing.
Ayon pa kay Casimiro, ang SETUP ay isa sa mga pangunahing programa ng DOST na naglalayong tulungan ang mga MSME na mapabuti ang kanilang mga produkto, serbisyo, operasyon, pagiging mapagkumpitensya, at produktibidad sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong teknolohiya.
Isa ito sa mga estratehiya ng DOST upang hikayatin at tulungan ang mga MSME sa paggamit ng teknolohiya at mga inobasyon upang mapahusay ang pagpapatakbo, mapalakas ang produktibidad, at isulong ang pagiging mapagkumpitensya ng mga produkto at serbisyo.