Muling umarangkada ang pamamahagi ng rice assistance ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan (PGC) sa mga residente ng bayan ng Lal-lo at Lasam, Cagayan nitong Mayo 16-17, 2023 sa mga lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
May kabuuang 6,946 na mga indibidwal na hindi pa nakakabangon sa epekto ng pandemya ang nabahagian ng tig-5 kilos na bigas sa isinagawang distribusyon na pinangunahan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) katuwang ang Provincial Office for People Empowerment (POPE).
Sa bayan ng Lal-lo, napagkalooban ang 3,869 na indibidwal mula sa 13 na barangay na kinabibilangan ng Barangay Rosario, Tucalana, Centro, Bangag, Lalafugan, Dagupan, Cagoran, Logac, Malanao, Fabrica, Alaguia, Catugan at Catayauan.
Liban dito, sa bayan naman ng Lasam ay nabigyan ang nasa 3,077 na indibidwal mula sa mga barangay ng Finugo, Callao Sur, Calapangan, Cataliganan, Tagao, Calapangan Norte, Tucalan Passing, Sicalao, Peru, Nicolas Agatep, at Nabannagan West.
Samantala, tuloy-tuloy naman ang isinasagawang repacking ng bigas sa warehouse ng PGC maging sa Sub-Capitol, Lal-lo dahil ayon sa pamunuan ng PSWDO, marami pa umanong isasagawang distribusyon sa iba’t ibang bahagi ng Cagayan dahil pinondohan ito ng Pambansang Pamahalaan bilang tulong sa mga indibidwal na hindi pa nakababangon mula sa pandemya.
Source: Cagayan Provincial Information Office