Kamangha-mangha ang mga makukulay at magagarbong karosa gawa ng iba’t ibang organisasyon at ahensya na bumida sa grandiosong “Float Parade Competition” nito lamang ika-1 ng Mayo 2023.
Ginanap bilang isa sa “curtain-raiser” events ng Pangasinan Pista’y Dayat 2023, ang aktibidad na pinamunuan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na may layong isulong ang industriya ng turismo sa pamamagitan ng pagtatampok ng mga pangunahing produkto ng Pangasinan.
Pinangunahan ang float parade ng Provincial Governor’s Office (PGO), Legislative Office, League of Municipalities of the Philippines – Pangasinan Chapter, San Roque Power Corporation (SRPC) at SM Pangasinan na may kanya-kanyang palamuti.
Naging agaw pansin at kaabang-abang ang karosa ng Limgas na Dayat lulan ang mga title holder ng Limgas na Dayat 2023 at maging ang GMA 7 na sakay ang mga pangunahing aktor ng teleseryeng “Mga Lihim ni Urduja” na sina Sanya Lopez, Kylie Padilla, Pancho Magno at Vin Abrenica.
Nagpasiklaban naman ang 21 karosa na kalahok sa isinagawang float parade competition na may temang “Ang Ganda at Ang Galing.”
Tulad ng inaasahan, dagsa ang mga taong maagang naghintay at nag-abang sa madadaanang ruta ng parada upang masaksihan ang mga karosa na may iba’t ibang disenyo.
Nagbigay buhay naman ang presensya ng University of Luzon’s Drum and Bugle, Pangasinan National High School’s Street Dancers at Tribu Pandan mula Mapandan sa mga itinalagang istasyon para sa kanilang dalawang minutong pagtatanghal.
Hinirang bilang “Best Float” ang Women’s Club Pangasinan na siyang tinanghal na Kampeon at nag-uwi ng Php150,000; 1st Runner-up naman ang Pangasinan Federation of Solo Parents na tumanggap ng Php120,000; 2nd Runner-up ang Bayambang Municipal Association of NGOs Inc. na tumanggap ng Php100,000; at 3rd Runner-up ang Binmaley School of Fisheries na tumanggap naman ng PhpP80,000. Nakamit ang 4th Runner-up ng PSU-Binmaley Campus na nakatanggap ng Php50,000 at pang lima ang Binalonan Federation of Farmers Association Ang Galing Inc. Php30,000 naman ang natanggap.
Nag-uwi ng tig-Php10,000 bilang consolation prize ang lahat ng kalahok.