Matagumpay na idinaos ang Motorismo Festival “The only motorbiking Festival in the Country”, isa sa pinakahihintay na motorbiking event na ginanap sa Motorbiking Capital sa Pilipinas ng Quirino Sports Tourism Complex, Quirino nitong April 21-23, 2023.
Kasama sa mga aktibidad ang Motorcross, Drag Race, Motokhana, Endurance Challenge, Unity Ride, Enduro Trail, Motor show at off-track na Victory Concert.
Ang Quirino Motorismo ay ginawaran bilang Best Tourism Sports Event ng Department of Tourism (DOT) at Association of Tourism Officers of the Philippines (ATOP) sa ginanap na DOT-ATOP Pearl Awards sa Paoay, Ilocos Norte noong 2019, kung saan nagtipon-tipon ang aabot sa 25,000 na mga turista.
Sa katunayan sa pagbubukas pa lamang ay nilahukan na ito ng mahigit 1,000 Motor Rider enthusiasts na nagmula pa sa buong Pilipinas at sinusubaybayan ng mahigit 3,000 fans.
Sa ikalawang araw dumalo naman si Sen. JV Ejercito upang suportahan at ipromote ang motorcycle tourism sa Pilipinas kasabay nito ang paglahok sa isinagawang unity ride kasama ang iba’t ibang grupo ng riders.
Dinaluhan din ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go ang nasabing aktibidad kung saan nagsagawa ng monitoring visit sa QPMC Malasakit Center at nagpaabot ng kanyang pasasalamat sa mga frontliners at health workers sa kanilang sakripisyo lalo na sa panahon ng pandemya kung saan inihayag niya na ang kanyang tanggapan ay naghandog ng Php20 milyong tulong medikal para sa mga nangangailangang Quirinians.
Namahagi din si Senator Go ng tulong pinansyal sa mga mahihirap na pamilya sa Lakas Bayan Center, LGU Compound, Magsaysay, Saguday, Quirino.
Samantala, ipinaabot naman ng Department of Tourism ang pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan ng Quirino sa imbitasyon at mainit na pagtanggap at binigyang pagbati din si Gobernador Dakila Carlo E. Cua sa tagumpay ng 6th Quirino Motorismo 2023.
Source: Quirino Province