Ilocos Norte – Nakatanggap ang Ilocos Norte ng limang ambulansya at isang magnetic resonance imaging (MRI) machine sa mga healthcare unit mula sa Department of Health’s Centers for Health Development 1 (DOH-CHD 1) ngayong buwan ng pag-ibig.
Ayon kay Gobernor Matthew Marcos Manotoc, ang nasabing proyekto ay upang mapabuti ang mga serbisyong pang-emerhensiya at mahahalagang serbisyo sa lalawigan.
Ang Gov. Roque B. Ablan Sr. Memorial Hospital (GRBASMH), ang pangunahing ospital ng Ilocos Norte, ang tumanggap ng MRI machine.
Ang limang (5) fully-equipped ambulances ay ibinigay sa mga district hospital sa mga bayan ng Sarrat, Piddig, Vintar, Bangui, at sa GRBASMH.
Dagdag nito, ang mga sasakyang ito ay kabilang sa pitong ambulansya na ipinangako ng DOH sa lalawigan. Dalawang ambulansya pa ang inaasahang maihahatid sa ikalawang distrito ng lalawigan.
Sa kanyang mensahe, “This is the first time of the history of Ilocos Norte na we will have an MRI machine sa ating mga facilities. So, we’re very glad and honored,” aniya.
Samantala, ipinahayag din ni Dr. Rogelio R. Balbag, Executive Director ng Ilocos Norte Hospital Management Council, ang kanyang pasasalamat sa DOH-CHD 1 at sa pambansang pamahalaan sa pagbibigay ng pondo upang mapabuti ang mas maraming pasilidad pangkalusugan sa lalawigan.
Source: Provincial Government of Ilocos Norte