Ligtas na nailikas ng Valley Cops kasama ng iba pang ahensya ng pamahalaan ang 43 pamilyang nawasak ang tahanan dahil sa pagragasa ng Chico River sa Brgy. Mungo, Tuao, Cagayan nito lamang Oktubre 31, 2022.
Ayon kay Police Major Jhun-jhun Balisi, Hepe ng Tuao Police Station, nagsanib pwersa ang mga tauhan ng kanilang himpilan, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Tuao, Department of Social Welfare and Development Region 2, mga opisyales ng barangay, volunteer organization tulad ng Itawit Cagayan Valley Eagles Club, at Eagles Tuao sa isinagawang force evacuation.
Sa kabuuan, 22 na kabahayan ang nawasak matapos tangayin ng malakas na agos ng Chico River. Samantala, 21 na bahay pa sa nasabing lugar ang partially damaged at nanganganib ding mahulog at matangay dahil sa tuluy-tuloy na pagtibag ng lupa sa tabi ng nasabing ilog.
Dagdag pa ni PMaj Balisi, ang mga apektadong pamilya ay kasalukuyang nasa Brgy Lallayug, Tuao evacuation center kung saan pansamantala silang naninirahan habang wala pang malilipatang lugar.
Agad naman nagbigay ng tulong ang DSWD kung saan nakatanggap ang mga residente ng cash aid, bigas, damit at mga grocery items para may pansamantala silang magamit habang nasa evacuation center.
Siniguro naman ni Police Colonel Julio Gorospe Jr., Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office na mananatiling alerto ang kanilang hanay at handang rumesponde anumang oras kailanganin ang kanilang serbisyo.
Nanawagan din siya sa bawat Cagayano na makinig at makiisa sa abiso ng mga awtoridad upang maiwasan ang anumang sakuna at disgrasya.
Source: PRO2 PIO