Nagpaabot ng tulong ang mga miyembro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 2 sa mga nabahang residente ng Brgy. Tagum, Camalaniugan, Cagayan.
Hindi alintana ng mga miyembro ng Quick Response Team ng nasabing kagawaran ang baha upang maibigay sa mga residente ang mga Family Food Packs (FFP) at hygiene kits.
Sa kasalukuyan, mayroong 88 pamilya o 272 indibidwal ang naapektuhan ng pagbaha sa nabanggit na barangay.
Limang pamilya naman na kinabibilangan ng 19 indibidwal ang namamalagi pa sa evacuation center.
Lubos naman ang naging pasasalamat ng mga benepisyaryo na sa kabila ng sitwasyon ng kanilang lugar ay narating pa rin sila ng pamahalaan upang mabigyan ng tulong.
Ayon naman sa DSWD, patuloy ang kanilang ahensya sa pagbibigay ng mga FFPs sa iba’t ibang bayan upang sa oras ng sakuna ay agad mabigyan ng tulong ang mga mamamayan.
Source: DSWD Region II