Inilunsad ng 1st Cavalry (Rapido) Company Armor Division ang kanilang “Piso ko para sa Kinabukasan mo” Project na naganap sa Rapido Company, Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela nito lamang Huwebes, ika-18 ng Agosto 2022.
Kasabay ng programa ay nilagdaan din ang isang Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng mga stakeholders at kasundaluhan upang masuportahan ang proyekto. Napapaloob sa nasabing proyekto na mag-iipon ang bawat Rapido Trooper ng mga plastic bottles na kanilang ibebenta upang masuportahan at matulungan ang mga gamit sa pag-aaral at allowance ng mga mahihirap ngunit nararapat tulungan na mga estudyante sa elementarya at sekondarya.
Sa kabuuan, 29 estudyante ang matutulungan ng nasabing programa. Samantala, lubos naman ang naging pasasalamat ng mga benepisyaryo at kanilang mga kaanak sa tulong na ito ng kasundaluhan sa kanila.
“Sa totoo lang po kulang na kulang ang pinansyal na pangangailangan namin kaya nagpapasalamat ako sa mga kasundaluhan po natin na nagbigay ng oportunidad sa mga katulad ko na makapag-aral. Kaya asahan po ninyo na mag-aaral ako ng mabuti”, ani King Jefferson Obane na isang estudyante ng Grade 12.
Pinaalalahanan naman ni Colonel Remigio A Dulatre, Assistant Chief of Staff for Civil-Military Operations ang mga estudyante sa kahalagahan ng edukasyon at pahalagahan ang pagkakataong ibinigay sa kanila upang makapag-aral.
Samantala, pinasalamatan naman ni Army Captain Katrina A Bernardino, Company Commander of the 1st Cavalry (Rapido) Company ang mga stakeholders sa kanilang boluntaryong pagtulong sa mga benepisyaryo.
Source: 5th Infantry Division, Philippine Army