Nakompleto na ng Department of Public Works and Highways ang kanilang flood control project sa Barangay San Agustin at Looc na kapwa tabi ng Pamatawan River sa bayan ng Castillejos, Zambales nito lamang ika-26 ng Hulyo 2022.
Ayon kay District Engineer Rosbe Dizon, ang proyekto ay nagkakahalaga ng Php154,200,000 kung saan magbibigay proteksyon sa baha sa mga mabababang lugar.
Pahayag pa ni Engr. Dizon, “Alam natin na ang pag-ulan ng habagat ay maaaring magpataas ng tubig sa mga pangunahing daluyan ng tubig sa lalawigan, tulad ng Pamatawan River, at maaaring magdulot ng matinding pagbaha, kaya umaasa kaming ang proyektong ito sa pagkontrol sa baha ay magbibigay ng karagdagang proteksyon sa mga residente, lalo na sa mga nakatira sa mga mababang lugar”.
Samantala, ang slope protection structure ay umaakma sa mga pader ng ilog sa tabi ng Pamatawan River na maaari din makatulong na maiwasan ang pagguho ng tabing-ilog.
Ang pagpapatupad ng mga ganitong uri ng proyekto ay hindi lamang makakabawas sa pinsalang idudulot ng pagbaha sa pisikal na imprastraktura kundi makatutulong din na matiyak ang pagpapatuloy ng pang-ekonomiya at panlipunang aktibidad sa mga lugar na madaling bahain.
Source: PNA