Nahandugan ng tulong mula sa Department of Labor and Employment Regional Office 1 (DOLE RO1) ang 150 kabataan sa rehiyon bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Day Against Child Labor (WDACL) noong Hunyo 12, 2022.
Kasabay ng pagdiriwang ng araw ng Kalayaan sa Pilipinas at bilang bahagi ng WDACL, isinagawa ng DOLE RO1 ang Project Angel Tree (PAT) kung saan ang nasabing mga bata ay nabigyan ng mga regalo tulad ng educational materals at health kits.
Ang nasabing mga benepisyaryo ay ang mga na-profile ng DOLE bilang mga child laborer sa pamamagitan ng Child Labor Prevention and Elimination Program (CLPEP).
Ayon kay DOLE Regional Director Atty. Evelyn Ramos, ang pagbibigay ng regalo ay simbolo ng walang tigil na pangako ng DOLE na tulungan ang mga bata at ang kanilang mga pamilya na makaahon sa kahirapan.
“Sa pamamagitan ng CLPEP, tinitiyak namin na ang mga batang ito ay irerefer sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa tamang interbensyon at suporta. Kabilang dito ang DSWD, LGUs, at iba pang concerned agencies,” aniya.
Sa pamamagitan ng Integrated Livelihood Program ng DOLE, binibigyan din ng livelihood support ang ilan sa mga magulang ng mga child laborers na nagkakahalaga ng Php30,000 bawat isa.
“Kami ay nagbibigay sa kanila ng paraan upang lumikha ng higit pang mga mapagkukunan para sa kanilang pamilya, upang ang kanilang mga anak ay hindi obligadong magtrabaho, sa halip ay dapat silang manatili sa paaralan at tumuon sa kanilang pag-aaral”, dagdag ni RD Atty. Ramos.
Source: DOLE Region 1