Pormal ng inanunsyo ng tanggapan ng Lungsod ng Tarlac na sila ay magbibigay ng libreng cleft operation sa mga batang edad anim na buwan pataas, nito lamang Mayo 24, 2022.
Ito ay bahagi ng programa ng isang Non-Government Organization (NGO) na Operation Smile Philippines.
Ayon kay Mayor Cristy Angeles, nakipag-ugnayan ang nasabing NGO sa kanilang tanggapan upang isangguni ang kanilang programa na labis na makakatulong sa mga batang ipinanganak na may cleft lip at cleft palate.
Dagdag pa ni Mayor Angeles, magaganap ang libreng operasyon sa Pampanga Comprehensive Cleft Care Center na matatagpuan sa Rosario Memorial Hospital, Guagua, Pampanga.
Para sa mga interesado sa nasabing programa, pinayuhan ni Mayor Angeles na makipag-ugnayan sa Mayor’s office at hanapin sina Ms. Penelope Recto o Ms. Katrina Nerida para sa karagdagang impormasyon at mga dapat ihandang dokumento.
Layunin ng programang Libreng Cleft Operation na mabigyan ng buhay ng normal ang mga batang ipinanganak ng may ganitong kondisyon.
Isang patunay ang ganitong programa na ang gobyerno katuwang ang ibang organisasyon ay kapit-bisig sa paghahatid ng wastong serbisyo para sa bawat Pilipino.
Source: https://web.facebook.com/photo/?fbid=370583235107399&set=pcb.370583421774047