Ipinagdiwang ang kauna-unahang Farmers & Fisherfolks Month Celebration sa Batanes noong Mayo 20, 2022.
Naging matagumpay ang aktibidad sa pagsusumikap at pagtutulungan ng Department of Agriculture – Batanes Experimental Station, Provincial Agriculture Office, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at Municipal Agriculture Offices.
Layon ng selebrasyon na ipakita at ipadama ang pagpapahalaga sa sakripisyo at paghihirap ng mga magsasaka at mga mangingisda sa kanilang lalawigan.
Ang mga manggagawang ito ay tinuturing nilang mga modern day heroes dahil sa pagpapamalas ng kanilang tapang sa pamamalaot sa karagatan at pagbubungkal ng lupa upang makapagbigay ng pagkain sa bawat hapagkainan.
Nakatanggap ang samahan ng mga magsasaka ng iba’t ibang mga buto ng gulay, organic fertilizer, green net, seedling trays, barbed wire, at forages habang nakatanggap naman ng hook line, spear gun, troll line, life vest, at fuel ang Basco Fishermen Association mula sa BFAR.
Nagkaroon din ng aktwal na pagsasanay sa Silage production, duck chasing at raffle draw na nakadagdag kulay at saya sa nasabing selebrasyon.
Dumalo at nakisaya ang apat na samahan ng mga magsasaka at mangingisda mula sa nabanggit na probinsya kabilang na rito ang Nyoy Farmers Association mula sa bayan ng Ivana, Mahatao Farmers Association, Uyugan Cattle & Goat Raisers Association, at Basco Fisherman Association.
Source: Radyo Pilipinas Batanes Fb pages https://www.facebook.com/RadyoPilipinasBatanes/posts/177705971271379
Photos by DA Batanes