Dalawampu’t limang mangingisda mula sa iba’t ibang coastal barangays sa Lungsod ng Laoag ang nakatanggap ng bangkang de-motor mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) noong Lunes, Mayo 23, 2022.
Pinangunahan ni Mayor Michael Marcos Keon ang pamamahagi ng 25 bangkang de-motor na nagkakahalaga ng mahigit Php2,000,000 sa lalawigan ng Ilocos Norte upang tulungan ang mga lokal na mangingisda na makaahon mula sa pandemya.
Ayon kay Mayor Keon, ang mga bangkang de-motor na gawa sa fiberglass ay tulong ng Integrated Livelihood Program ng DOLE at Lokal na Pamahalaan ng Laoag.
Sa naging mensahe ni Atty. Silvestre Bello Jr., GOHS, binigyang inspirasyon nito ang mga benepisyaryo na patuloy na labanan ang pandemya at ang mga bagong bangkang de-motor ay makakatulong sa mga mangingisda upang malampasan ang mga pagsubok dulot ng COVID-19.
Bukod sa Integrated Livelihood Program ng DOLE, nakinabang din sa programang DILP ang mga mangingisda mula sa Laoag City, Ilocos Norte.
Ang DILP ay isa sa mga programa ng DOLE na naglalayong suportahan ang mga mangingisda ng bansa sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga kinakailangang kagamitan upang palakasin ang kanilang kabuhayan.
Samantala, pinangunahan din ni Mayor Keon ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa Laoag City mula naman sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD upang tulungan ang mga manggagawa nito na lubhang naapektuhan ng pandemya.
Source: Radyo Pilipinas Laoag