Ipinagdiwang ang Grand Ammungan Festival o ang selebrasyon ng ika-183rd na Founding Anniversary ng Lalawigan ng Nueva Vizcaya simula nitong Martes, Mayo 24, 2022.
Naging tema ngayong taon ang “Timpuyog ken Panagkaykaysa: Rangtay ti Naprogreso a Nueva Vizcaya” na sa salitang tagalog ay “Pagbubuklod at Pagkakaisa bilang Tulay sa Pag-unlad ng lalawigan” na magtatagal mula Mayo 24 hanggang May 27, 2022 na magaganap sa Capitol Compound, Bayombong, Nueva Vizcaya.
Magkakaroon ng Thanksgiving Mass bilang pasasalamat dahil sa muling pagbubukas at pagtitipon-tipon ng 15 munisipalidad sa lalawigan para sa nasabing selebrasyon kabilang ang 1st Nueva Vizcaya Travel and Tourism Expo, na kung saan ang bawat munisipalidad ay may kanya-kanyang booth na nagpapakita ng kani-kanilang tourist spots at mga produkto; Ammungan Musikahan Concert; Ammungan Trade Fair; Vizcayano Art Exhibit; Gaya ng Dati, A Public Art Installation; at Ammungan Fun Bike.
Ang Ammungan Festival ay ang pagdiriwang ng anibersaryo ng pagkakatatag ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya na nagtatampok ng mga cultural show, pagbibigay ng mga serbisyo ng pamahalaan, mga entertainment activities, at iba pa.
Ang ‘Ammungan’ ay salitang Gaddang na ang ibig sabihin ay “pagtitipon” na pinasikat noong 1989 at 1996 upang ipakita ang kultura ng mga katutubo sa Nueva Vizcaya.
Layunin din nito na tipunin ang mga ethnic tribes ng lalawigan tulad ng Isinai, Ibaloi, Kalanguya, Iwak, Gaddang, Bugkalot, Kankanaey, Ifugao kabilang ang mga naninirahan sa mababang lupa tulad ng mga Ilokano, Tagalog at Pangasinense.
Matapos ang dalawang taon ay muling nabuksan ang selebrasyon na nagbigay kulay, saya at ngiti sa bawat Novo Vizcayano na dumalo at nakilahok sa aktibidad.
Sources:
PIA Nueva Vizcaya
Nueva Vizcaya presents 5th ‘Ammungan ‘ Festival
Photos from Region Cagayan Valley Spotted FB Page
Nueva Vizcaya Tourism FB Page
Nueva Vizcaya Provincial Government FB Page