Nagtapos bilang Top 1 ang dating Team Lakay MMA Fighter sa katatapos na Army Training Course na ginanap sa Special Forces Regiment (SFRA) sa Fort Ramon Magsaysay, Nueva Ecija noong Mayo 17, 2022.
Siya si Private Troy Bantiag, isang tubong Kalinga na kabilang sa “Makadasig” Class 715-2021 ng Candidate Soldier Course (CSC).
Mula sa 144 candidates ng nasabing kurso, si Pvt Bantiag ang hinirang bilang Top 1 sa kanilang klase matapos nilang sumailalim sa 13 linggo ng mahigpit na pagsasanay.
“Kailangan talaga para maging Top 1 is balance, means dapat may utak din at lakas ng pangangatawan,” saad ni Pvt Bantiag na itatalaga sa Headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Ayon pa kay Pvt Bantiag, lahat ng sumailalim sa CSC ay magiging enlisted soldier ng Philippine Army at gaganap bilang isa sa mga backbone ng Major Army Units sa buong bansa.
Samantala, bago pa man nagsanay si Pvt Bantiag para maging isang sundalo ay isa siya sa dating MMA fighter ng Team Lakay, isang kilalang grupo ng Martial Arts sa Cordillera at napag-alaman na sumali rin sa mga patimpalak ng MMA sa United States, Guam, Bahrain, at Singapore.