Kinilala at ginawaran ng parangal ang asong si Stark at ang kanyang handler na si Police Staff Sergeant Lester Balana bilang Top Narcotics Detection Dog and Handler noong ika-6 na Anibersaryo ng Explosive Ordnance Disposal and Canine (EOD/K9) Group na ginanap sa Camp Crame, Quezon City nito lamang Mayo 17, 2022.
Si Stark ay anim na taong gulang na Labrador at dalawang taon nang naninilbihan bilang drug sniffing dog sa Kalinga kung saan ang “Top Dog” Narcotics Detection Dog ang kauna-unahang parangal na kanyang natanggap.
Ilan sa major accomplishments nina PSSg Balana at Stark na dahilan upang sila ay parangalan ay ang pagkakadiskubre nila ng mahigit kumulang Php22,333,920 halaga ng marijuana bricks sa Kalinga mula Disyembre 23, 2021 hanggang Abril 28, 2022.
Samantala, binigyang diin naman ni PSSg Balana na malaki ang papel na ginagampanan ng isang drug sniffing dog sa mga operasyon ng pulisya dahil mas malakas ang pang-amoy ng mga ito kumpara sa normal na tao at kayang-kaya nilang amuyin ang ilegal na droga at mga kontrabando kahit saan pa ito nakatago.