Narekober ng mga otoridad ang labi ng isang dating miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Sitio Liaga, Barangay Mabuno, Gattaran, Cagayan noong Abril 27, 2022.
Kinilala ang bangkay na si Mary Grace Bautista alyas Sinag, miyembro ng East Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.
Si alyas Sinag ay maybahay ni Edgar Bautista alyas “Simoy” na dati ding miyembro ng Komprob Cagayan.
Napag-alaman rin na si alyas Sinag ay kabilang sa listahan ng mga “Most Wanted Persons” sa ilalim ng DILG Memorandum Circulars sa kasong Murder, Multiple Attempted Murder at Robbery na may rekomendadong piyansa na Php175,000.
Napatay si alyas Sinag sa engkwentro sa pagitan ng PNP at Communist Terrorist Group noong Agosto 2020 sa nabanggit na barangay.
Nakuha ang labi ni Bautista o alyas “Sinag” sa impormasyon at tulong na nagmula sa dating rebelde.
Dinala ang labi ni alyas Sinag sa isang punerarya sa Gattaran para mabigyan ng maayos na burol bago tuluyang dalhin sa kanyang bayan sa Gamu, Isabela.
Matagumpay ang operasyon sa pagtutulungan ng 204th Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB 2) sa pakikipag-ugnayan sa 142 SAC; 14 SAB; Special Action Force (SAF); 2nd Platoon ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company; Cagayan Provincial Forensic Unit; Gattaran Police Station; Regional Intelligence Division 2; Alpha Company, 77th Infantry Battalion; 51st Military Intelligence Company; at Regional Group on Special Concerns (RGSC).
Source: 204th MC; PRIO 2; 5ID PA