18.1 C
Baguio City
Sunday, May 25, 2025
spot_img

Pangasinan MSMEs, isinusulong sa Pandaigdigang Merkado

Isinulong ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) ang paglahok ng mga lokal na Micro, Small, and Medium Enterprises o MSMEs sa International Food Expo o IFEX 2025 na ginaganap sa World Trade Center sa Pasay City mula Mayo 22 hanggang 24, 2025.

Ayon kay Governor Ramon Guico III, mahalaga ang mga ganitong trade fair upang maipakilala ang mga produkto ng Pangasinan sa mga banyagang mamimili at negosyante. Kabilang sa layunin ng programa ay mapataas ang kalidad ng produkto upang makasabay sa pandaigdigang pamantayan.

Labing-isang MSMEs mula sa lalawigan ang kalahok sa naturang expo. Kabilang dito ang mga kumpanya ng bangus at manok karaage, processed bangus, bottled bangus, suka mula sa tubo, bagoong, organic agriculture products, dairy products, at ready-to-eat fortified foods. Tatlo sa mga ito ay unang beses pa lamang na lumalahok sa IFEX.

Paliwanag pa ng gobernador, mahalagang isaalang-alang ang panlasa ng international market, kaligtasan sa pagkain, at maging ang mga paniniwalang kultural at panrelihiyon. Aniya, lahat ng kalahok ay may mga kaukulang sertipikasyon depende sa bansang nais nilang pasukin.

Hinimok rin ng gobernador ang iba pang MSMEs na makipag-ugnayan sa DTI at sa pamahalaang panlalawigan upang makapasa sa mga kinakailangang pamantayan at makasali sa mga susunod na internasyonal na eksibisyon.

Samantala, sinabi ni DTI Region 1 Assistant Director Natalia Dalaten na bunga ng paglahok noong nakaraang taon, matagumpay na naipadala sa Dubai at Japan ang ilang bangus products mula sa Pangasinan. Bago pa man lumahok ang mga MSMEs, masusing sinusuri ng DTI ang kanilang kakayahan at kahandaan para sa export market.

Bilang suporta, nagpatibay ang Sangguniang Panlalawigan ng dalawang ordinansa: una, ang pagtatayo ng MSMEs Trade, Investment, and Exposition Center sa Pangasinan, at ikalawa, ang pagtitiyak ng tuloy-tuloy na paglahok ng mga lokal na MSMEs sa IFEX at iba pang katulad na mga aktibidad.

Related Articles

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here

Be updated in Social Media

1,700FansLike
21FollowersFollow
0FollowersFollow
612FollowersFollow
55SubscribersSubscribe
- Advertisement -spot_img

Latest Articles