Matagumpay na isinagawa ang isang makabuluhang Mental Health Seminar para sa mga Technical at Field Staff ng Social Welfare and Development (SWAD) Bulacan – Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Provincial Operations Office 1 na may temang “We are DSWD: Creating a Positive Workplace Well-Being Culture Amidst Challenges” nito lamang ika-7 ng Mayo 2025.
Pinangunahan ang seminar ni Christian E. Jordan, MA, RGC, LPT, Department Head ng General Education at Guidance Counselor ng Bulacan State University – San Rafael Campus.
Tampok sa seminar ang pagpapahalaga sa kalusugang pangkaisipan bilang pundasyon ng maayos at makataong serbisyo publiko.
Kabilang sa mga paksa sa talakayan ay ang “Navigating Emotions, Relieving Stress, and Managing Burnout” at “Creating a Positive Workplace Well-being Culture,” na parehong tumatalakay sa mga praktikal at makataong hakbang sa pagtataguyod ng mas malusog na kapaligiran sa trabaho.
Layunin ng seminar na itaas ang kamalayan ng mga kawani sa mga isyung may kinalaman sa mental health, magbahagi ng mga mabisang paraan upang malabanan ang stress at burnout, at higit sa lahat, magtaguyod ng isang positibo at suportadong kultura sa lugar ng trabaho.
Patuloy ang DSWD sa pagtataguyod ng kapakanan hindi lamang ng mga benepisyaryo ng programa kundi lalo na ng mga lingkod bayan na walang sawang nagsusulong ng malasakit at pagbabago sa komunidad.
