Pormal nang binuksan ang proyektong hydroponics greenhouse sa Barangay Kabayanihan, Lungsod ng Baguio noong ika-19 ng Abril 2025.
Isinagawa ang ribbon-cutting ceremony na pinangunahan ni Mayor Benjamin Magalong, katuwang ang City Veterinary and Agriculture Office (CVAO) sa pangunguna ni Dr. Silardo Bested, at ang Punong Barangay ng Kabayanihan na si Eladio Ortenero.
Layunin ng proyektong ito na pataasin ang produktibidad sa agrikultura at itaguyod ang makabago at sustenableng pamamaraan ng pagsasaka sa loob ng komunidad. Bahagi rin ito ng programang “Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay” (HAPAG), isang pambansang kampanya na nagsusulong ng seguridad sa pagkain at urban farming.
Ang pasilidad ay magsisilbing community garden at demonstration site ng makabagong teknolohiya sa pagsasaka upang hikayatin ang kabataan na pahalagahan ang agrikultura.

