Agarang tinugunan ng Department of Agriculture Regional Field Office I (DA-RFO) Regulatory Division ang hiling na rabies vaccine kits ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan sa pamumuno ni Mayor Bona Fe De Vera – Parayno, sa pamamagitan ng Municipal Agriculture Office (MAO) nito lamang Martes, Abril 15, 2025.
Ipinasakamay ni Mr. Rommel Joshua Victorio, Agriculturist I mula sa Regulatory Division ng DA-RFO I kina Renato Vergara, Municipal Agriculturist II at Dr. Wilino Zacarias, Veterinarian II, ang 150 vials ng anti-rabies vaccine, 500 na piraso ng heringilya at 1,500 na piraso ng vaccine cards.


Ayon kay Dr. Zacarias, ang 150 vials ng rabies vaccine ay makakapagbakuna na ng 1,500 na mga alagang hayop.
Layon ng MAO na patuloy na makapagbigay ng libreng pagbabakuna sa lahat ng barangay sa Mangaldan bilang tugon sa direktiba ni Mayor Bona na gawing rabies free ang Mangaldan.
Maglalabas naman ng iskedyul ng anti-rabies vaccination ang Public Information Office – Mangaldan, Pangasinan para sa bawat barangay na syang magaganap sa Munisipyo mula Lunes – Biyernes ng 8:00 AM hanggang 5:00 PM para sa mga nais magpabakuna ng kanilang mga alagang hayop.
Source: Mangaldan PIO