Matagumpay na isinagawa ang Project Namnama ng Department of Health- CAR sa pamamagitan ng serbisying medikal na nakatuon sa Social & Behavior Change Communication para sa mga Non-Communicable Diseases (NCDs) at Sexually Transmitted Infections (STIs) sa mahigit 150 residente ng Barangay Poblacion, Tuba, Benguet nito lamang ika-24 ng Marso 2025.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng lokal na pamahalaan ng nasabing lugar sa pakikipagtulungan ng Department of Health- CAR, Tuba Municipal Health Services Office at Barangay Health Services Office.
Tampok sa aktibidad ang libreng Visual Inspection with Acetic Acid (VIA) para sa cervical cancer screening, risk assessment para sa mga non-communicable diseases, X-Ray at HIV Testing.
Nagkaroon din ng mga lecture tungkol sa STIs, kabilang na ang MPox, Syphilis, at Gonorrhea, mga sesyon ng impormasyon tungkol sa NCDs at Tuberculosis, at talakayan tungkol sa pagresolba ng mga problema sa pamilya.

Ipinunto ni DOH Health Program Officer II Christine Lyzandra Andrade, ang kahalagahan ng kaalaman ng publiko tungkol sa HIV/AIDS at STIs, binigyang-diin ang patuloy na pakikipagtulungan ng DOH para sa mga serbisyong pangkalusugan at hinikayat din niya ang mga kababaihan na mag-avail ng screening services para sa maagang pagtuklas at pag-iwas.
Ipinahayag naman ng mga residente ang kanilang pasasalamat sa pagiging accessible ng mga serbisyong ibinigay ng mga grupo.
Ang aktibidad ay may layuning magbigay ng pag-asa, magtaas ng kamalayan, at magbigay ng mahahalagang serbisyong medikal sa komunidad at paghinikayat ang komunidad na makilahok sa mga programang pangkalusugan ng gobyerno.
