“Hands Off Our IPs!” Ito ang panawagan ni alyas “Jeff” at asawa nito na kapwa rin Agta matapos binyagan ang kanilang anak sa simbahan sa loob ng Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela noong Pebrero 23, 2025.
Matagumpay na naidaos ang binyag ni Baby Star na sinaksihan ng kanyang mga magulang, malalapit na kaanak at mga matataas na pinuno ng 5th Infantry Division sa pangunguna ni MGen Gulliver L Senires.
Si Baby Star ay isinilang noong Enero 17, 2025 sa Camp Melchor F. Dela Cruz Station Hospital ilang linggo lamang mula nang sumuko sa pamahalaan ang kanyang ina. Ang kanyang mga magulang ay kapwa kasapi ng New People’s Army. Sila ay miyembro ng “Agta Tribe” ng Rizal, Cagayan.
Kamakailan, nagbalik-loob sila sa pamahalaan at piniling yakapin ang landas ng kapayapaan at kaunlaran sa Probinsya ng Cagayan.
Hinikayat naman ni MGen Señires ang mga magulang na alagaan nang mabuti si Baby Star, na ngayon ay sumasagisag sa pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa Zinundungan Valley. Ang lugar na ito ay dating sentro ng Communist Insurgency sa Cagayan Valley noong dekada ‘80s at ‘90s.
Si alyas Jeff, at ang ina ni Baby Star, ay naging emosyonal sa maikling programa matapos ang seremonya. Lubos ang kanyang pasasalamat sa pamunuan ng 5ID sa pagsuporta at paggabay sa kanilang ligtas na pagbabalik sa mainstream na lipunan kasabay ang kanilang panawagan sa natitira pang kasapi ng CPP-NPA na igalang ang karapatan at dignidad ng mga katutubo sa gitna ng pagsusumikap para sa kapayapaan at progreso.
Sumasalamin ito sa tuloy-tuloy na pagbabago at pagbabalik-loob. Ipinakikita rin nito ang kahalagahan ng pagbibigay-pugay at respeto sa mga Indigenous Peoples (IPs) habang patuloy na naghahangad ng kapayapaan at pag-unlad sa Cagayan Valley.
source; 5ID