Handog ng Angeles City Government ang financial assistance sa 19 bedridden na senior citizens at apat na senior citizens na may edad 90-99 taong gulang sa Barangay Pampanga, Angeles City nito lamang Huwebes, ika-9 ng Enero 2025.
Sinimulan ng Pamahalaang Lungsod ng Angeles, sa pangunguna ni Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr., katuwang ang City Councilor Dr. Mich Bonifacio at ang mga miyembro ng Barangay Pampang Council na pinamumunuan ni Kapitan Carlos Dela Cruz.
Aabot sa 664 rehistradong bedridden senior citizens at 612 rehistradong senior citizens na may edad 90-99 taong gulang mula sa 33 barangay sa lungsod ang makatatanggap ng cash aid at Vitamin C supplements.
Bukod sa pinansyal na ayuda at libreng bakuna, bibigyan din ng libreng medical check-up at laboratory tests ang mga bedridden na matatanda at mga nasa edad 90-99 taong gulang sa tulong ng City Health Office at Angeles City Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ayon kay Mayor Lazatin, patuloy na prayoridad ng kanyang administrasyon ang mga pangangailangan ng bedridden na matatanda at mga nasa edad 90-99 taong gulang sa kanilang nasasakupan.