Nagpaabot ng tulong pinansyal at rice subsidy ang Pamahalaang Lungsod ng Angeles sa mga indibidwal na may kapansanan (PWDs) mula sa Barangay Pulung Maragul, Angeles City nito lamang Disyembre 17, 2024.
Pinangunahan ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) ang pamamahagi, sa pamumuno ni Ryan David.
Ang aktibidad ay bahagi ng programa ng butihing ama ng lungsod na si Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. Nasa 103 na mga Persons with Disabilities ang nabahagian ng ayuda sa nasabing aktibidad.
Bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng P1,000 na cash assistance at limang kilo ng bigas, na personal na iniabot sa pamamagitan ng house-to-house visit.
Bukod sa mga benepisyaryo mula sa Pulung Maragul, nasa kabuuang 2,500 PWDs mula sa buong lungsod ang nakatakdang makatanggap ng parehong tulong mula sa lokal na pamahalaan.
Ang programang ito ay patunay ng malasakit at suporta ng pamahalaan sa mga kababayan nating may kapansanan, bilang bahagi ng layuning isulong ang pantay na oportunidad at dignidad para sa lahat.