Pormal na tinanggap ng Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao ang 1,500 relief goods mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) bilang tulong sa mga residente na naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo at pagbaha sa lungsod na ginanap sa Tuguegarao City People’s Gym nito lamang ika-15 ng Nobyembre 2024.
Naisakatuparan ang pamamahagi ng ayuda sa tulong at koordinasyon ni City Mayor Maila Rosario S. Ting-Que at ng PCSO General Manager Melquiades “Mel” Robles sa pamamagitan ni PCSO Cagayan Branch Manager Heherson Pambid.
Inilagay sa mga plastic water pails na tinatawag na “Charitimba” ang mga relief goods. Ang mga tulong na ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan upang suportahan ang mga komunidad na labis na naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad.
Nagpasalamat si Mayor Maila sa PCSO para sa kanilang maagap na pagtugon at suporta sa Lungsod ng Tuguegarao. Ayon kay Mayor Ting-Que, ang tulong na kanilang natanggap ay malaking hakbang para sa pagbangon ng mga taga-lungsod mula sa mga pagsubok na dulot ng kalamidad.
Ang hakbang na ito ay nagpapakita ng matibay na ugnayan sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng mga ahensya ng nasyonal na pamahalaan tulad ng PCSO, na may malasakit sa kapakanan ng mamamayan sa oras ng sakuna.
Source: TCIO