Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng 17,589 family food packs at 86 bote ng anim na litrong inuming tubig sa mga residente ng Ilocos Region na naapektuhan ng Bagyong Kristine nitong Lunes, ika-28 ng Oktubre 2024.
Bukod dito, may 262 non-food items, kabilang ang mga hygiene kit, na naipamahagi rin. Naghanda rin ang DSWD ng kabuuang 93,750 family food packs at 17,066 pang food at non-food items para sa mga apektadong residente sa rehiyon.
Ang bawat food pack ay naglalaman ng anim na kilong bigas, apat na lata ng tuna, apat na lata ng corned beef, dalawang lata ng sardinas, limang sachet ng instant coffee, at limang sachet ng cereal.
Tinatayang nasa Php104.2 milyon ang halaga ng prepositioned na mga food at non-food items sa 19 na satellite warehouses ng DSWD sa rehiyon.
Nagbigay rin ng psychosocial first aid ang mga social worker ng DSWD Ilocos Region, partikular sa mga kabataan, upang makatulong sa pag-aalis ng kanilang pag-aalala dahil sa pagkakahiwalay sa kanilang mga tahanan.
Ayon sa DSWD, umaabot na sa 100,846 ang mga pamilyang apektado sa rehiyon, base sa ulat ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, ang Department of Health-Ilocos Region ay nagmobilisa ng mga emergency health units sa lahat ng provincial offices upang magsagawa ng monitoring at magbigay ng mga gamot, first aid, at hygiene kits sa mga LGU na nangangailangan ng karagdagang suporta.